Paghahanda sa Pag-uwi - Ma'asalaama

To non-Filipino readers of this blog, my apologies for writing this post in Filipino. Please find the translation of this in English on HubPages.

Ang pagbabago ay sa tuwina'y bahagi ng buhay. Ang mga tao at bagay ay dumarating at umaalis. Kaya't nararapat na matuto tayong panghawakan ang mga bagay na may halagang hindi napapawi - kapamilya, kaibigan at higit sa lahat, ang Diyos na Siyang nagbibigay sa atin ng tunay na layunin sa buhay. Nawa ang kasulatang ito ay magbigay ng kalakasan sa inyo na dumaranas din ng mga pagsubok at pag-aalinlangan sa buhay.

Pagpapala at Pag-asa
Noong isang taon, may isinulat ako na blog post na ang pamagat ay Paghahanda sa Pag-uwi. Nabanggit ko doon na kailangan na naming maghanda sa pag-uwi sa Pilipinas dahil binigyan na ng notice ang aking asawang OFW na hanggang Disyembre na lamang ang kanyang kontrata. Hindi naman iyon natuloy dahil na-extend pa siya ng 1 buwan sa trabaho. Salamat sa Diyos dahil marami pa ring biyaya ang natanggap namin (Salamat po, Lord, sa bonus) hanggang lumipas ang Pasko at Bagong Taon.

Pero simula Enero 30, 2012, wala na siyang trabaho. Hindi kami kaagad umuwi dahil hinintay din namin matapos ang klase ng mga bata. Sinubukan niyang humanap ng mapapasukan dito na kumpanya. Puspos ang panalangin naming buong pamilya, umaasang tutugunin ito ng Panginoon. Meron na sanang kumpanya na tumanggap sa kanya para magtrabaho ngunit nagkaproblema naman sa VISA. Marahil hindi iyon ang kalooban ng Diyos para sa amin. Naniniwala ako na may ibang plano ang Panginoon para sa amin.

Paano na ngayon? Ano ang aming pagkukunan ng kabuhayan? Maging sapat kaya iyon sa pagtustos sa pamilya ng pitong katao? Sapat kaya iyon para sa pagpapa-aral ng 5 bata? Napakaraming tanong pero wala pang kongkretong sagot bagaman may mga ideya na akong naimungkahi sa blog post na naka-link sa itaas. Pero isang bagay ang sigurado, ang sabi ng Diyos,
Hindi kita iiwan ni pababayaan man.
May ilang linggo na rin kaming nagkakahon ng aming mga gamit na iuuwi sa Pilipinas. Mahirap pala ang mag-ayos ng lahat ng gamit - 12 taon kaya kami dito nanirahan. Marami kaming iuuwi dahil wala naman kaming mga gamit sa Pilipinas. Maganda nga sana na bumili na lang sa atin, pero naisip namin na sayang ang ibang mga gamit at kung iuuwi namin ang mga ito ay makapagtitipid kami. Sagot naman ng kumpanya ng aking asawa ang pa-kargo, at least partial kung hindi man lahat.

Sorpresang Ma'asalaama
Sa gitna ng kabisihan namin sa pag-aayos ng aming mga gamit, hindi namin inaasahan na ang aming mga kaibigan ay binigyan kami ng sorpresang Ma'asalaama (farewell) party. Iyakin talaga ako! Hindi ko napigilan ang luha ko. Bakit nga ba ako umiyak? Nalulungkot ba ako dahil uuwi na kami? o dahil wala nang trabaho dito ang asawa ko at kung walang trabaho at wala ring kita? Sa isang banda, oo.

Pero, hindi ang mga iyon ang higit na dahilan. Kaya ako umiyak ay dahil sa noong araw na iyon ay nakita ko ang pagpapahalaga ng mga kaibigan namin sa amin, sa aking asawa at aming mga anak.

Isa-isang lumapit ang mga bata na aking ma-mimiss at nag-abot ng bulaklak. Ang mga bulaklak ay iba't ibang kulay na kay ganda na tila sumisimbolo sa mga masasayang ala-ala na aming dadalhin sa aming pag-uwi. Maaaring ang mga bulaklak na ito ay malalanta, ngunit ang mga ala-ala ng kaibigan at mahal sa buhay ay mananatili sa mga puso kailan man.

Ma'asalaama Party - Thank you Kuya Emil Tipa sa photo.
Nakatanim sa aming puso at isipan na sa anumang bagay ay gawin namin ito bilang paglilingkod sa Diyos. Hindi kailangan ang papuri o gantimpala ng tao para gawin kung ano ang nararapat ayon sa kalooban Niya. Pero ang pagpapakita nila ng pagkikilala sa aming mga pagpupunyagi ay tunay na nakakataba ng puso.

Sa lahat ng aming mga kaibigan at kapamilya, 
MARAMING, MARAMING SALAMAT SA INYONG LAHAT (pati sa Hadiya). MA-MIMISS NAMIN KAYO. PAGPALAIN KAYO ng PANGINOON!

Oops. Tama na muna drama. Napaiyak na naman ako.

Halos malapit na rin matapos ang aming pagkakahon at sa loob ng tatlong linggo ay makakaapak na kaming muli sa lupaing Pilipinas.  Ano kaya ang naghihintay sa amin sa panibagong yugto ng aming buhay sa Pilipinas?  Ng may pagtitiwala sa Diyos, abangan na lamang ang susunod na kabanta ...

Post a Comment

3 Comments

Unknown said…
hi chin! lapit na pala ang pag-uwi niyo...
sana makakuha kaagad kayo ng trabaho dito sa 'pinas
Chin chin said…
Hi Reese. Thanks for dropping by. Hindi pa kami sigurado talaga kung ano mga gagawin namin. As of now, I have ongoing jobs online pero hindi naman iyon ganoon kalaki. We're hoping and trusting God for our future.
it's another journey and adventure for sure. hoping you and your family a happy and safe trip home and lots of opportunities when you arrive.

regards!